"Siguro ang gusto nya lang ay siya lang ang possesive sa relasyon nyo. Nung naging possesive ka na rin, ayaw nya na. Kasi siguro ang gusto nya eh siya lang."
Mahirap intindihin para sa nakararami ang sinabing ito ng kaibigan ko. Nung una ko itong narinig sa bibig nya eh nilipad pa ata palayo sa katawan ko ng hangin yung utak ko kaya natagalan pa itong i-proseso ang mga salitang sinabi nya sa akin. Oo siguro nga ay may punto sya kahit malalim para sa akin. May mga kababaihan nga siguro na ayaw nagagaya ang personalidad nila pag nagtagal. Wala akong magagawa patungkol dyan. Naging biktima lang rin naman ako dahil nagmahal lang ako at nasaktan sa huli. Mahirap tanggalin sa sistema mo ang isang bagay pag may natutunan ito sa isang tao na malapit sayo lalo na pag nakaugalian mo na ito. Mas lalo ng mahirap pag yung taong minahal mo ang nagturo sayo ng kinaiinisan nya sa iyo ngayon. Masakit tanggapin pero ito ang dahilan kaya nya ako tinalikuran. At hanggang sa huli naming paguusap, binaluktot nya lahat ng mga sinabi ko at ipinamukha na ako lahat ang may kasalanan.
Hindi ko na kilala ang sarili ko. Ni hindi ko na rin siya kilala. Para na kaming dalawang estranghero na naghuhulaan kung magkakilala ba talaga kami o hindi. Nagbago na ang takbo ng buhay, sumama sya sa alon nito. Mas pinili ko naman na manatili sa mundong binuo namin. Dahil pinaniwalaan ko na maayos pa ang lahat. Nagkamali ako dahil matagal na pala kaming magkaiba ng pahina sa buhay.
Ilang beses akong sinampal ng kaibigan ko ng mga mali ko sa buhay pag ibig. Marami akong mali, pero naintindihan nya ang paniniwala ko hindi dahil kaibigan nya ako kundi may punto rin ako. Sa mga binahagi nya sakin na payo marahil hindi nya rin ata naisip na hindi lang ako yung nagkamali. Pero hindi na importante iyon ngayon. Naniniwala ako sa sinabi nya. At gagawin ko ang mga pinayo nya. Mabait kasi ako eh. Pag alam kong kailangan ko na ng tulong, tumatakbo na ako sa mga tunay na kaibigan na kilala talaga yung ugali ko. At mahigit sa lahat, naiintindihan at iniintindi ako.
Bukas na ang lipad mo. Paalam sa iyo. Salamat sa mga memorya na binahagi mo sa akin. Hindi ko mapapangako na lahat ng mga memorya na ginawa natin pareho ng ilang taon ay gagamitin ko upang maging masaya ako. Marahil mas kailangan ko na lang kalimutan na lang ang mga iyon. Magkaiba na tayo ng mundong ginagalawan. Marahil pagbalik mo, nakaalis na rin ako sa mundong pinagkulungan mo sa akin.
No comments:
Post a Comment